Friday, July 16, 2010

eSkwela Frequently Asked Questions (for interested out-of-school youth and adults who want to become eSkwela learners)



Para sa mga Out of School Youth and Adults (OSYAs) na nagnanais ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa sekundarya (Accreditation and Equivalency) sa pamamagitan ng eSkwela:



1. Ang eSkwela ba ay hiwalay na proyekto sa Alternative Learning System (ALS) at sa programang Accreditation & Equivalency (A&E) na isinasagawa ng Department of Education?

Hindi, ang eSkwela ay hindi hiwalay sa DepED-ALS. Ang pagkakaiba nila ay napapaloob lamang sa pamamaraan ng paghatid ng mga aralin; sa eSkwela Center, teknolohiya o ICTs (electronic modules, Learning Management System, module guides, computers, Internet/World Wide Web) ang ginagamit sa mga learning sessions. Sa kabilang dako, mga print modules ang ginagamit sa tradisyonal na ALS. Ang dalawang pamamaraan na ito ay pinapatnubayan ng isang mobile teacher o instructional manager (kung saan ang pag-aaral ay alinsunod sa kakayahan ng learner, sinusukat sa pamamagitan ng mga projects, nakasentro sa mismong learner, at umiikot sa mga life skills na kaagad-agad na mapakikinabangan). Ang mga mag-aaral mula sa parehong pamamaraan (tradisyonal ALS at eSkwela) ay maaring maghangad na kumuha ng A&E exam; ang pagpasa sa pagsusulit na ito ay nangangahulugan na ang isang mag-aaral ay mabibigyan ng sertipikasyong katumbas ng isang diploma sa mataas na paaralan.

2. Paano ako mapapabilang sa isang eSkwela Center?

Para mapabilang sa isang eSkwela Center bilang learner, tandaan ang mga sumusunod na alituntunin (pareho rin sa alintuntunin ng isang nagnanais na pumasok sa tradisyonal na ALS):


* Ikaw ay dapat na hindi bababa sa 15 taong gulang; kung ikaw ay mas bata pa sa 15 taon, ikaw ay hinihikayat na makatapos ng iyong pang-sekundaryang edukasyon sa pamamagitan ng mga pormal na sistema ng edukasyon (pribadong / pampublikong mataas na paaralan).



* Ikaw ay dapat na maging handa sa mga kinakailangang dokumento:


o ang iyong birth certificate (ihanda ang baptismal certificate o marriage contract, kung wala kang birth certificate);
o dalawang pirasong 1x1 picture;
o sertipikasyon mula sa paaralan kung saan ka huling pumasok (kung dati kang nakapag-enroll) upang magsilbing patunay na hindi mo nagawang makumpleto ang secondary level o high school.


3. Ano ang antas ng Accreditation & Equivalency (A&E) na kasalukuyang inaalok sa mga eSkwela Centers?


Sa ngayon, tanging ang secondary A&E (A&E para sa pang-sekundaryang lebel ng edukasyon) ang siyang matatagpuan sa mga eSkwela Center. Magkakaroon din ng pang-elementaryang A&E sa mga eSkwela Centers kapag ang mga e-modules na pang-elementary ay gawa na.

4. Meron ba akong kinakailangang kuning pagsusulit para maging isang eSkwela learner?


Oo, ang bawat eSkwela Center ay nagbibigay ng Functional Literacy Test (FLT) na siyang sumusuri ng aktuwal na antas sa edukasyon na iyong nakamit.

5. Ako ba ay kaagad-agad na tatanggapin bilang isang eSkwela learner kung ako ay nakapagtapos ng aking pag-aaral sa elementarya?

Ang posibilidad na ikaw ay matanggap bilang isang eSkwela learner ay maaaring mas mataas na kung nakumpleto mo ang iyong pag-aaral sa elementarya, NGUNIT kakailanganin pa ring malaman ang aktuwal na antas ng edukasyong iyong nakamit sa pamamagitan ng pagkuha ng FLT.

6. Maari pa rin ba kong pumasok bilang isang eSkwela learner kahit hindi ako nakapagtapos ng elementarya?

Oo, pwede ka pa ring mag-apply kahit hindi mo natapos ang iyong pag-aaral sa elementarya. Kakailanganin mong sumailalim sa Functional Literacy Test (FLT) na isinasagawa sa eSkwela Center upang malaman kung ikaw ay kuwalipikado bilang isang eSkwela learner.

7. Kailangan bang marunong akong gumamit ng isang computer bago ako tanggapin bilang isang mag-aaral ng eSkwela?


Higit na mainam kung ikaw ay marunong nang gumamit ng computer, ngunit hindi nangangahulugan na ito kailangang marunong ka nang mag-computerlearning facilitators sa eSkwela Center ay tuturuan kang gumamit ng computer sa iyong mga unang learning sessions sa eSkwela Center (lalo na patungkol sa pangunahing nabigasyon, paggamit ng mouse at ng Internet browser) upang maihanda ka sa iyong mga aralin (e-modules at ng Learning Managament System)

8. May bayad ba ang pagpapatala sa isang eSkwela Center?

Wala itong bayad maliban na lang sa iyong mga regular na gastusin (pamasahe at baon) at mga minimal na bayad (may mga eSkwela Center na naghanda ng eSkwela t-shirt upang magsilbing uniform ng mga learners; kasama na rin ang ID). Ang mismong mga learning sessions sa eSkwela Center ay walang bayad.

9. Kailan ang pinakamagandang panahon para pumunta at mag-apply sa isang eSkwela Center?

Ang pinakamabuting panahon ng pagpapatala ay pagkatapos ng A&E exam na ibinibigay tuwing Oktubre bawat taon. Karamihan din ng mga eSkwelaCenter ay nagsisimula tuwing Enero kung kaya’t nagaganap ang pagpili ng mga ng mag-aaral mula Nobyembre hanggang Disyembre ng nakaraang taon.


10. Gaano kadalas akong dapat pumasok sa eSkwela Center?

Ikaw at ang iyong eSkwela learning facilitator ang siyang magpapasya kung ano ang iyong magiging schedule ng pagpasok sapagkat isasaalang-alang ang iyong schedule sa trabaho (kung mayroon kang trabaho) at ang iyong mga bakanteng oras. Kapag ito ay naisaayos na, kakailanganin mong sundin ang iyong mga nakatakdang pagpasok.

11. Mayroon bang eSkwela Center sa aking lugar?


Sa kasalukuyan ay mayroong dalawamput-isa (21) na eSkwela Centers sa buong Pilipinas:

Asuncion, Davao del Norte
Baguio City
Boac, Marinduque
Cagayan de Oro City
Cebu City
Davao City
Digos City
Laoag City
Marikina City
Ormoc City
Pagadian City
Oroquieta City
Quezon City (A. Roces Avenue)
Quezon City (Loyola Heights)
San Fernando, Camarines Sur
San Fernando City, La Union
San Jose del Monte, Bulacan
Siay, Zamboanga Sibugay
Sultan Kudarat
Tanauan, Leyte
Zamboanga City (NCC-FOO)


Kung sakaling wala pang eSkwela Center sa inyong pamayanan, maaring pumunta ka sa pinakamalapit na opisina ng DepEd Division at ipagtanong ang tradisyonal na programa ng ALS (ginagamitan ng print modules). Lalong mabuti kung makakakuha ka ng suporta mula sa mga grupo sa inyong komunidad (katulad ng inyong Lokal na Pamahalaan o LGU, mga pan-sibikong grupo tulad ng Rotary o Jaycees, simbahan, NGOs, Internet café, negosyo, o iba pang mga samahan) na magsisilbing katulong ng CICT at DepED-BALS para sa pagtatayo ng isang eSkwela Center sa inyong lugar.

No comments: